Ipinatigil ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng operasyon laban sa mga hinihinalang illegal aliens sa bansa.
Ayon kay Dana Sandoval, Spokesperson ng Bureau of Immigration, ipinabawi muna ng pamunuan ng ahensya ang lahat ng naipalabas na mission orders para sa kanilang mga ahente.
Sa harap ito ng alegasyon ng ilang Korean nationals na kinikilan sila ng siyam na milyong piso ng mga Immigration agents na humuli sa kanila.
Sinabi ni Sandoval na batay sa paunang imbestigasyon, mayroong valid na mission order ang labing walong (18) tauhan ng Immigration na nag-operate sa mga Korean nationals na di umano’y illegal na nananatili sa bansa.
Gayunman, isa aniya sa nakita nilang kataka-taka ay nang biglang palayain ng mga Immigration agents ang mga hinuli nilang Korean nationals gayung hindi pa ito nasasalang sa preliminary investigation.
Una nang pinatawan ng 90-araw na preventive suspension ang 18 tauhan ng Bureau of Immigration makaraang ireklamo sila ng mga Korean nationals sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
“Still looking po kung ano ba talaga ang involvement ng each agent kasi hindi natin tinitignan ‘yan as a whole but ‘yung involvement ng lahat ng ahente. Temporarily, dissolved muna ang kanilang unit at ‘yung mission orders pina-recall muna namin lahat except doon sa mga foreign fugitives, and sex offenders, pag-aaralan natin kung anong dapat na improvement natin sa issuance ng mission orders at kung paano natin mas mado-document kasi ito ang nakikita nating isang bagay na napakahalaga po.” Pahayag ni Sandoval
(Ratsada Balita Interview)