(Updated)
Sisilipin ng Senado ang posibilidad na nagkaroon ng sabwatan at sinadya ang halos sabay-sabay na biglang pagtirik ng apat na planta ng kuryente.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Energy, bibigyan muna nila ng pagkakataon ang Department of Energy (DOE) na imbestigahan ang pagbagsak ng apat na power plants bago magpasya kung kailangan ng full blown investigation ang kanyang komite.
Napag-alaman na nasa mahigit 2300 megawatts ang nawalang supply ng kuryente dahil sa sabay-sabay na pagbagsak ng apat na planta ng kuryente, sapat upang pailawan ang buong Mindanao.
Sinabi ni Gatchalian na hindi nila maiwasan ang magduda dahil kamakailan lamang ay tiniyak sa kanila ng Department of Energy na walang magiging problema sa supply ng kuryente sa susunod na dalawang buwan o hanggang sa panahon ng eleksyon.
“Ang ire-recommend po natin ay unang-una puwede po ‘yang kasuhan ng criminal charges for collusion at economic sabotage, as far as economic sabotage puwede po kasi kapag nawalan ng kuryente walang negosyo at walang trabaho, puwede pong i-revoke ang license to operate ng mga plantang ito, ang importante po ngayon ay imbestigahan ng DOE at makikipag-coordinate kami sa kanila, at kung may makita kaming hindi maganda ay magkakaroon tayo ng hearing upang maparusahan (ang mga dapat managot.)” Ani Gatchalian
DOE
Nakahandang humarap sa imbestigasyon ng Senado ang DOE upang ipaliwanag ang estado ng supply ng kuryente sa bansa.
Ikinasa ng Senate Committee on Energy ang imbestigasyon matapos malagay sa red alert status ang supply ng kuryente at makaranas ng brownout ang ilang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, Spokesman ng DOE, apat na planta ng kuryente ang biglang tumirik at hindi nakapag-deliver ng kinakailangang supply kaya’t nagkaroon ng red alert.
Bagamat kumbinsido aniya sila na hindi ito sinadya, tiniyak ni Fuentebella na lahat ng anggulo sa sitwasyon ay kanilang sinisilip.
“Ang binabantayan natin number one is anti-competitive behavior, number two titingnan natin kung ito ba ay sinadya o hindi, pero kung titingnan naman natin ang circumstance ito po ay mga naka-kontrata, hindi pare-pareho pero iba diyan naka-kontrata, kapag hindi sila nakapag-deliver, bumibili pa sila sa spot market ng kuryente at sagot ng generator ‘yun, hindi po ‘yan ipinapasa sa tao.” Pahayag ni Fuentebella
Kasabay nito, umapela si Fuentebella sa publiko na ugaliing magtipid ng paggamit ng kuryente lalo na ngayong tag-init.
Kalimitan aniyang tumataas ang demand sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon, kung kailan kasagsagan ng mainit na panahon.
“Meron din pong demand side management na tinatawag, kaya 1-4pm kailangan medyo magtipid tayo s apaggamit ng kuryente, aircon lalo na, meron tayong interruptible program kung saan puwede ring mag-ambag ‘yung may sarili nang gen set tulad ng malalaking malls, meron sila voluntary na sinasabing okay putulan niyo po kami kasi kaya naman naming tumakbo para tulong na lamang namin sa mga kapitbahay namin.” Dagdag ni Fuentebella
(Ratsada Balita Interview)