Itinuturing nang ‘solved’ ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pagpatay sa 16-anyos na si Christine Lee Silawan.
Kasunod ito ng pag-amin ng ikalawang suspek na si Renato Llenes na siya ang pumatay at bumalat sa mukha ni Silawan.
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, kapag nasampahan na ng kaso ang suspek ay masasabing solve na ang kaso ngunit hindi pa ito maituturing na case closed.
Una nang naaresto si Llenes sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa gun ban at kinalaunan ay inamin rin ang pagpatay sa dalaga.
Ayon kay Llenes, kinaibigan niya sa Facebook ang dalaga kung saan nagpakilala siya bilang si CJ Diaz, isang teenager.
Nang magpasyang magkita ang dalawa ay nadismaya umano si Silawan nang makita siya at dito na siya nagalit.
Salaysay pa ni Llenes, gusto niyang makipagtalik sa dalaga ngunit hindi pumayag ang biktima kaya pinagsasaksak niya ito ng gunting saka binalatan ang mukha upang hindi makilala.
Inamin ng suspek na gumamit siya nun ng iligal na droga at natutunan din niya ang pagbalat sa mukha sa pamamagitan ng Youtube.
Nakatakdang sampahan ng PNP si Llenes ng kasong murder.
—-