13 oras na nasa ilalim ng red alert status ang suplay ng kuryente sa Luzon ngayong araw na ito.
Batay sa abiso ng National Grip Corporation of the Philippines (NGCP), iiral ang red alert mula alas nueve ng umaga hanggang alas diyes ng gabi.
Ibig sabihin nito, wala nang magamit na reserba ng kuryente ang NGCP kayat malaki ang posibilidad na magpatupad ng rotational brownouts.
Nauna nang inilagay sa yellow alert ang Luzon grid dakong alas otso hanggang alas nueve ng umaga dahil sa manipis na suplay ng kuryente.
Muling ibabalik sa yellow alert ang Luzon grid mamayang alas diyes hanggang alas once ng gabi.
Ayon sa NGCP, nasa 10,220 megawatts ang kapasidad ng mga planta ng kuryente ngayong araw na ito samantalang, aabot sa 10,334 megawatts ang peak demand.
Pangamba sa posibilidad na sunod-sunod na rotational brownouts pinawi
Pinawi ng Department of Energy (DOE) ang pangamba na maging sunod-sunod na ang rotational brownouts dahil sa magkakasunod na araw na inilagay sa yellow at red alert ang Luzon grid.
Ayon kay Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella, bago matapos ang Abril ay nakabalik na sa operasyon ang apat hanggang limang planta ng kuryente na nakaranas ng aberya.
Maliban dito, bukod sa mababa aniya ang demand pag weekends, malaki ring kabawasan ang inaasahang pagbaba ng demand sa pagpasok ng Semana Santa.
Dahil dito, sinabi ni Fuentebella na posibleng hindi na muling maranasan ang yellow at red alert pagkatapos ng Semana Santa.