Muling nakatikim ng sermon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa kawalan nito ng sapat na paghahanda para maibsan ang epekto ng El Niño phenomenon na halos taun-taon nang nangyayari sa bansa.
Sa talumpati ng pangulo sa campaign rally sa Malaybalay City, Bukidnon, sinabi ng pangulo na hindi nya maunawaan kung bakit walang ginagawang aksyon ang mwss upang masolusyunan ang problemang ito.
Giit ng pangulo, nakapagtataka dahil napakarami namang tubig sa mundo ngunit bakit tila nauubusan parin aniya ng water supply ang MWSS.
Samantala, ikinagulat naman ng punong ehekutibo ang water shortage na nangyari noong nakalipas na buwan dahil hindi pa umano ito panahon ng tag-init.
Ayon sa pangulo, kung hindi pa nga umano nya binalaan ang MWSS, posibleng hanggang ngayon ay nakararanas parin ng artipisyal na kakulangan ng tubig ang bansa.