Naaresto na ng militar ang dating alkalde ng Marawi City na si Solitario Ali na sinasabing may kinalaman umano sa madugong pagsalakay ng Maute-ISIS group sa Marawi City nuong 2017.
Iyan ang kinumpirma ni Army’s 103rd Infantry Brigade Commander Col. Romeo Brawner kasunod ng pagdalo ni Ali sa political rally ng PDP-Laban nuong Biyernes.
Agad aniyang isinalang si Ali sa pagtatanong ng mga sundalo hinggil sa nangyaring paglusob at ikinakasa na rin ng judge advocate general ng AFP ang kasong isasampa laban dito.
Una nang inaresto ang anak ni Ali na si Marawi City Vice Mayor Arafat Salic dahil din sa Marawi siege pero pinalaya rin kalaunan batay sa pasya ng Department of Justice (DOJ) dahil sa technicality.
Gayundin ang kapatid ni Ali na si dating Marawi Mayor Fajad Salic na inaresto rin ng militar ilang buwan na ang nakalilipas dahil din sa pagkakasangkot nito sa aktibidad ng ISIS sa lungsod.
Kasalukuyang kumakandidato si Ali sa pagka-alkalde muli ng lungsod at mariin naman nitong itinanggi ang paratang laban sa kaniya.