Magtataas ng blue alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC simula sa Huwebes Santo, Abril 18.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Edgar Posadas, sa ilalim ng naturang alerto, 24-oras aniyang naka-duty ang kanilang mga tauhan sa kanilang operations center.
Maliban dito ay naka-alerto din ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fire Protection (BFP) para sa mabilis na pagresponde.
Iiral ang blue alert status hanggang sa Abril 21 o Linggo ng Pagkabuhay.
“Mas maigting po ang ating pagtutok sa mga pangangailangan ng ating mga biyaher, sa mga magbabakasyon kung kinakailangan ngayong Semana Santa, wala tayong ini-expect na threat kaya lang ito po ay para lang masigurado natin na kapag may nangailangan kasi nationwide ang binabantayan natin, lahat ng mga pagbibiyahe ay para matugunan natin, at ang pag-raise po natin ng alert ay para sa paghahanda kung kinakailangan lamang, pero monitoring lang po tayo.” Ani Posadas
Tiniyak ni Posadas na nakabantay sila sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Semana Santa.
“Binabantayan natin ang kanilang preparedness measures, response preparations, at kung saka-sakali po we are expecting ‘yung kanilang mga reports kung may mga pangyayari, pero so far wala pa naman tayong namo-monitor simula kahapon hanggang ngayon and I hope it stays that way.” Dagdag ni Posadas
Ligtas na Semana Santa
Gawing ligtas at iwas sa aksidente ang pagdaraos ng Semana Santa.
Ito ang panawagan ngayon ng NDRRMC sa publiko na inaasahang dadagsa sa iba’t ibang bakasyunan ngayong Holy Week.
Pinaalalahanan ni NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas ang mga magulang na huwag pabayaang lumangoy ang mga bata na walang nakabantay na nakakatanda upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
“Huwag po natin hayaang lalo na ang mga bata kahit marunong lumangoy na walang kasamang matanda, kagaya ngayon nire-require na natin ngayon sa mga swimming pools, resorts at beaches na dapat meron tayong life guards na nakatutok, gayundin po ang mga adults sa pamilya dapat sinasamahan natin ang mga bata.” Ani Posadas
Kasabay nito, binalaan din ni Posadas ang publiko hinggil sa masamang epekto ng pagbabad sa matinding sikat ng araw.
“Ang direktang epekto ng nakatutok tayo sa araw ay unang-una na ang heat related effects gaya ng heat exhaustion, heat stroke, kaya dapat may tubig palagi at huwag masyadong matagal na naka-expose sa araw.” Pahayag ni Posadas
(Ratsada Balita Interview)