Inilunsad ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency ang ‘Oplan Huli Week’ ngayong Semana Santa.
Sorpresang drug test ito para sa mga kundoktor at driver ng bus na biyaheng probinsya upang tiyaking ligtas at malayo sa impluwensya ng droga ang mga ito.
Sa Araneta Bus Terminal, may mga kasama pang mga mascot at k-9 ang PDEA nang magsagawa ng sorpresang drug test.
Ayon kay PDEA Spokesman Dir. Derrick Carreon, katuwang nila sa nasabing programa ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, LTO o Land Transportation Office at ang pambansang pulisya.
Sakaling may magpositibo sa isasagawang drug test, sinabi ni Carreon na kanilang isusumite ang resulta sa LTO at LTFRB na siyang magpapasya kung papayagan itong makabiyahe o hindi.
Nitong unang linggo ng abril, inilunsad naman ng PDEA ang ‘Oplan Harabas’ kung saan sorpresang isinalang sa drug test ang mga drivers, konduktor, UV express at iba pa.
(with report from Jaymark Dagala)