Inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) sa Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang kahilingan ng mga pulitikong kabilang sa ‘narco-list’ ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mabigyan ng police escort.
Sa ipinadalang pormal na liham ni PNP Chief General Oscar Albayalde sa Comelec, hiniling din nito ang pagbawi sa mga police escorts ng mga umano’y ‘narco-politician’ na una nang napagbigyan.
Ayon kay Albayalde, isang pribilehiyo at hindi karapatan ang pagbibigay ng seguridad sa mga pulitiko na maaaring bawiin anumang oras at nang walang abiso.
Binigyang diin pa ni Albayalde, ang pagbibigay nila ng rekomendasyon sa Comelec ay alinsunod sa kautusan ni DILG Secretary Eduardo Año para malansag ang mga pulitikong iniuugnay umano sa transaksyon ng iligal na droga.
Samantala, sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas na kanilang nang pinag-aaralan ang nasabing rekomendasyon ng PNP.
—-