(This is a developing story. Please refresh the website for updates).
Sumampa na sa mahigit 200 ang nasawi habang nasa 450 ang sugatan sa magkakasunod na pambobomba sa ilang panig ng Sri Lanka kasabay ng pagdiriwang ng Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.
Ayon sa Sri Lankan government, walong magkakasunod na pagsabog ang yumanig sa tatlong simbahan, apat na hotel at isang bahay sa kabisera na Colombo, mga lungsod ng Negombo at Batticaloa .
Karamihan sa mga biktima ay kristyano na dumadalo sa Easter Sunday mass sa Saint Anthony’s Shrine sa Colombo, Saint Sebastian Church sa Negombo at Zion Church sa Batticaloa.
Kabilang din sa mga nasawi ang 35 dayuhan na naka-check in sa Cinnamon Grand, Shangri-la at Kingsbury na pawang luxury hotel sa Colombo.
Samantala, pitong suspek naman ang naaresto habang nagpatupad na ng nationwide curfew sa buong bansa at hinigpitan na rin ang seguridad sa Bandaranaike International Airport sa Colombo.
DFA tiniyak na walang pilipinong nadamay sa magkakasunod na pambobomba sa Sri Lanka
Walang Pilipino na nadamay sa Easter Sunday bombings sa ilang bahagi ng Sri Lanka.
Ito ang tiniyak ng Department of Foreign Affairs matapos umabot sa mahigit 200 katao ang nasawi at 450 iba pa ang nasugatan sa walong magkakasunod na pambobomba sa ilang simbahan at hotel.
Ayon sa DFA, nakikipag-ugnayan na sila sa mga Filipino community leader sa Sri Lanka.
Nakiramay at nagpahayag naman ng pakikiisa ang DFA maging ang Malakanyang sa Sri Lankan government at sa mga biktima.
Samantala, bukod sa Pilipinas ay kinondena rin ng iba pang bansa sa pangunguna ng US, India at Britanya maging ni Pope Francis ang magkakasunod na pambobomba na isa anilang uri ng terorismo.