Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na takot ang U.S. na makipag-digmaan sa China kaugnay sa maritime dispute sa West Philippine Sea.
Sa kanyang talumpati sa campaign rally ng PDP-Laban sa Cabadbaran city, Agusan Del Norte, inihayag ni Pangulong Duterte na hindi sapat ang rason ng Estados Unidos nang hindi nito pagdedeklara ng giyera laban sa Tsina.
Sakali anyang salakayin ng China ang Pilipinas ay tutulong ang Amerika na maaaring maging mitsa ng isang panibagong digmaang pandaigdig.
Sinisi naman ng pangulo sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario dahil sa palpak na pagharap sa Scarborough Shoal standoff noong 2012 kung saan natalo ang Pilipinas.
Gayunman, ipinag-utos ni Del Rosario ang pag-atras ng mga barko ng Pilipinas sa Panatag o Scarborough Shoal hanggang sa magpasaklolo na ang Aquino Administration sa International Arbitral court.
Idinagdag pa ng pangulo na kahit dinidinig ang kaso sa arbitral court laban sa Tsina ay patuloy itong nagpapadala ng mga barko sa Panatag.