Inamin ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na limang porsyento (5%) lamang ang naidudulot na bigat sa daloy ng trapiko ng provincial buses.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, bagamat maliit na porsyento lamang ang naidudulot ng provincial buses sa daloy ng trapiko, kailangan pa rin aniyang may pagsimulan upang maiayos ang matagal nang problema sa traffic.
Ito aniya ang dahilan kayat inumpisahan na ngayong araw ang dry run para sa pagpapatupad ng provincial bus ban sa EDSA.
Oras na pormal nang maipatupad, hanggang terminal na lamang sa Sta. Rosa, Laguna ang mga provincial bus na manggagaling sa South habang hanggang terminal na lamang sa Valenzuela City ang mga galing naman sa Norte.
Ukol naman sa pagbabawal sa pagbabawal sa pagbaba ng mga pasahero sa EDSA ng mga provincial bus, nanindigan si Garcia na matagal na itong bawal at hindi lamang naipatutupad.
Iginiit ni Garcia na hindi dapat nasasanay ang mga pasahero na bumaba sa mga lugar na may maling babaan.
MMDA magpapadala ng sulat sa mga LGU na apektado ng provincial bus ban
Nakatakda nang magpadala ng sulat ang MMDA sa mga Local Government Units (LGUs) na apektado nang ipinatutupad na provincial bus ban.
Ayon kay MMDA EDSA Traffic Manager Bong Nebrija, bago matapos ang buwang ito ay magpapadala sila ng sulat sa Pasay at Quezon City governments para kanselahin na ang business permits ng mga terminal sa EDSA.
Sinimulan na ngayong araw na ito ang experimental na pagpapatupad ng provincial bus ban.