(Updated)
Halos anim na raang (600) aftershocks na ang naitala matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa Luzon nuong Lunes ng hapon.
Ayon sa PHIVOLCS, pinakamalakas na aftershock ay rumehistro sa magnitude 4.5 kaninang alas-2:02 ng madaling araw kung saan ang epicenter ay sa bayan pa rin ng Castillejos sa Zambales.
Sinabi ni PHIVOLCS Seismology Department Officer-in-charge Ismael Narag na maaari pang tumagal ng ilang araw ang nararanasang pagyanig.
Sa panulat ni: Judith Estrada-Larino
Kinumpirma ng PHIVOLCS na nasa mahigit tatlondaang aftershocks na ang kanilang naitala hanggang kaninang ala-6 ng umaga matapos ang nangyaring magnitude 6.1 na lindol na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, kahapon (April 22).
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, nasa 379 aftershocks ang kanilang naitala habang walo sa mga ito ang naramdaman sa kalupaan.
Naitala naman ang pinakamalakas na aftershock na may lakas na magnitude 3.4.
Samantala, ikinalugod naman ni Solidum na mataas na ang awareness ng publiko hinggil sa kaalaman sa mga hakbang na dapat gawin sakaling makaranas muli ng malakas na pagyanig, gayunman, kailangan pa rin aniyang ma-convert ang naturang mga kaalaman sa aktuwal na pagresponde sa mga pangyayari.
Hindi pa aniya nila matutukoy sa ngayon kung kailan tatama ang tinatawag nilang “Big One” o ang mas malakas pang mararanasang lindol sa bansa, ngunit nagpaalala ito na gawing batayan ang naging karanasan sa mga nangyaring lindol upang mas maging handa sakaling dumating ang “Big One”.
Update mula sa Phivolcs as of 10AM (April 23), nasa 447 aftershocks na ang kanilang naitala.
PHIVOLCS nagpaalala sa publiko laban sa kumakalat na maling impormasyon
Pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko laban sa mga kumakalat na maling impormasyon kasunod ng nangyaring magnitude 6.1 na lindol na naramdaman sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa Facebook post ng PHIVOLCS, kanilang binigyang-diin muli na hindi nagbibigay ng prediksyon ang ahensiya tungkol sa lindol.
Kasabay nito, umapela ang ahensiya na iwasang magpadala o mag-forward ng mga impormasyong maaaring makadagdag sa pagkalito at takot.
Hinimok din ng PHIVOLCS ang lahat na bisitahin ang kanilang website na www.phivolcs.dost.gov.ph para sa mga tamang impormasyon.