Inatasan na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na tinamaan ng lindol sa Luzon at Visayas na inspeksyunin ang lahat ng mga gusali sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Año, ito ay upang matiyak na nananatili pa ring ligtas gamitin ang lahat ng gusali at istraktura sa kani-kanilang lugar kasunod ng pagtama ng dalawang malakas na lindol.
Pangungunahan aniya ito ng mga building officials ng bawat LGUs kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) para masigurong nasusunod ng bawat gusali ang National Building Code of the Philippines at Fire Code of the Philippines.
Binigyang-diin pa ni Año, sakaling may makitang bahagi ng sinuring gusali na nabitak, nasira, tumabingi o tila humina na ang pundasyon ay agad na ipaalam sa building owners.
Bukod dito, inatasan na rin ni Año ang lahat ng DILG Regional at provincial directors na i-assess ang kahandaan at ginawang aksyon ng mga LGU sa kasagsagan at matapos ng magnitude 6.1 na lindol sa Luzon at 6.5 sa Visayas.
Business permit ng Chuzon Supermarket, pinasususpindi
Ipinag-utos na ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang pagsuspinde sa business permit ng Chuzon Supermarket.
Ito ay matapos na gumuho ang isa sa malaking branch nito sa Porac, Pampanga bunsod ng pagtama ng magnitude 6.5 na lindol sa Luzon nitong Lunes.
Ayon kay Año, magpapadala na siya ng memorandum sa LGU ng Porac, Pampanga para pansamantalang suspindihin ang permit ng nasabing supermarket sa buong central luzon.
Ito aniya ay habang hinihintay pa ang resulta ng isinasagawang infrastructure audit at pagsusuri sa mga sangay nito.
Layunin din aniya nito ang maiwasang may masawi at masaktan sakaling makaranas muli ng malakas na lindol.
Kasalukuyang nagpapatuloy pa rin ang rescue operation sa nabanggit na establisyemento.