Naitala sa Guiuan, Eastern Samar ang pinakamataas na heat index o init na nararamdaman ng katawan ng tao kasabay ng pagtama ng magnitude 6.5 na lindol sa lalawigan kahapon, Abril 24.
Batay sa inilabas na datos ng PAGASA, pumalo sa 46.7°C ang heat index sa Guiuan dakong alas-11 ng umaga kahapon.
Ilang oras lamang ito bago niyanig ng magnitude 6 .5 na lindol ang lalawigan kung saan naitala ang sentro nito sa San Julian.
Tiniyak naman ng PHIVOLCS na walang kaugnayan ang lindol sa anumang weather phenomenon tulad ng El Niño.
Anila, sobrang lalim ng pinagmulan ng mga lindol at hindi na ito naapektuhan ng anumang temperatura o lagay ng panahon.
Samantala, maliban sa Guiuan, labingdalawang (12) lugar pa sa bansa ang nakapagtala rin ng maituturing na mapanganib na lebel ng heat index o init na aabot sa 41°C pataas.
Kabilang dito ang Infanta, Quezon; Ambulong, Batangas; Dagupan city, Pangasinan; Cuyo, Palawan; Baler, Aurora; Casiguran, Aurora; Catbalogan, Western Samar; Roxas city, Capiz; Zamboanga city; Iba, Zambales at Laoag, Ilocos Norte.