Hindi prelude o panimula ng “Big One” o lindol na aabot sa magnitude 7.2 sa Metro Manila ang naranasang magkasunod na pagyanig sa Luzon gayundin sa Eastern Visayas.
Ito ang tiniyak ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary at PHIVOLCS Director Renato Solidum sa publiko.
Ayon kay Solidum, hindi konektado ang tumamang lindol sa Castillejos, Zambales at Borongan, Eastern Samar sa isandaang kilometrong (100km) west valley fault na mula Bulacan hanggang Cavite at Laguna.
Aniya, may kanya-kanyang paggalaw ang iba’t ibang fault sa bansa.
Sinabi pa ni Solidum, may sari-sariling big one ang bawat lugar sa Pilipinas at inaasahang magiging malaki ang impact nito sa Metro Manila dahil sa dami ng mga gusali at tao.
Una nang sinabi ng PHIVOLCS ang posibilidad ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila dahil sa pagiging hinog na ng west valley fault.