Ikinukunsidera ng pamahalaan ang pagdedeklara sa Pag-asa Island at silangang bahagi ng Kalayaan Island sa West Philippine Sea bilang marine-protected area.
Ito ay kasunod na rin ng lumabas na ulat na ilang mga barko ng China ang nangunguha ng mga giant clams o taklobo sa Panatag Shoal.
Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., sa ganitong paraan maisusulong aniya ang pagbibigay proteksyon sa environmental at marine biodiversity sa West Philippine Sea o South China Sea.
Binigyang-diin pa ni Esperon na matagal nang ideklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga taklobo bilang endagered species.
Tiniyak din ng opisyal na gumagawa na ng ligal at diplomatikong aksyon ang pamahalaan para matugunan ang problema sa iligal na pangingisda, poaching at pang-aabuso sa kalikasan sa West Philippine Sea.
China, tiniyak na hindi gagamit ng puwersa para okupahin ng Pag-asa Island
Tiniyak ng China sa Pilipinas na hindi ito gagamit ng puwersa para okupahin ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Ito, ayon kay Philippine Ambassador Jose Santiago Sta. Romana, ang ipinabatid sa kanya ng China sa kanilang isinagawang diplomatic discussion.
Dagdag ni Sta. Romana, kanila ring hiniling sa China ang magpatupad ng self-restraint sa bahagi ng Pag-asa Island para maiwasan na rin ang magkaroon ng girian.
Kasabay nito, iginiit naman ni Sta. Romana na dapat pa ring panatilihin ng Pilipinas ang mahigpit na pagbabantay para matiyak na walang magiging agresibong aksyon ang China laban sa mga Pilipino at sundalo sa Pag-asa Island.
Una nang napaulat na aabot sa halos tatlong daang (300) mga barko ng China ang namataan sa paligid ng Pag-asa Island simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.