Iimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang ulat na tinanggalan umano ng suporta ni Marikina Mayor Marcelo Teodoro ang lokal na pulisya sa kanilang lungsod.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kaniya nang ipinabeberipika ang nasabing ulat at hinihingan na rin ng paliwanag si Teodoro.
Sakali aniyang patunayang totoo ang alegasyon laban kay Teodoro, agad na tatanggalan ito ng police power.
Sinabi ni Año, posibleng magkaroon ng seryosong implikasyon sa pagpapatupad ng tungkulin ng pulisya na panatilihin ang kaayusan at kapayaan sa lungsod ang pagtatanggal ng suporta sa mga ito.
Magugunitang pinasaringan ni PNP Chief General Oscar Albayalde ang isang alkalde sa Metro Manila matapos na tanggalan umano ng suporta tulad ng gas allowance ang pulisya sa pinamumunuan nitong lungsod.
Inalisan din umano ang nasabing himpilan ng pulisya ng ordinance violation receipt at traffic violation receipt o mga ticket na ginagamit laban sa mga lumalabas sa batas trapiko at iba pang city ordinance at hindi na rin pinayagang dumalo sa flag raising ceremony.
Nag-ugat naman ang insidente nang hindi umano magustuhan ni Teodoro ang pagtatalaga sa bagong hepe ng Marikina city police nang hindi siya kinokonsulta.