Nagbabala ang isang sangay ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring pagmultahin ng nagkakahalaga ng P100,000 ang mga employer na mapapatunayang bumalewala sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado noong kasagsagan at pagkatapos ng serye ng mga lindol.
Ito’y matapos makatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa ilang empleyado na umano’y hindi pinalikas nang mangyari ang lindol sa Luzon noong Lunes.
Ayon sa Occupational Safety and Health Center (OSHC), ang pagbalewala ng mga employer sa kaligtasan ng mga manggagawa noong lindol ay paglabag sa Republic Act 11058 o Occupational Safety and Health Standards Law.
Sinabi ni OSHC Exec. Dir. Noel Binag, may karapatan ang mga empleyado na itigil ang kanilang trabaho kung alam nilang delikado na ang sitwasyon.
Batay sa impormasyon mula sa grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), nakatanggap sila ng mga reklamo sa ilang empleyado ng mga call center, mall at ilang pamilihan na hindi sila pina-evacuate.