Duda si University of the Philippines Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal na matitigil na ang mga iligal na aktibidad ng mga barko ng China sa West Philippine Sea tulad ng pangunguha ng mga giant clams o taklobo.
Ito ay sa kabila ng ulat na natalakay sa bilateral meeting nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ang usapin sa isinagawang Belt and Road Forum sa Beijing.
Ayon kay Batongbacal, hanggang sa ngayon ay wala pang inaanunsyo ang Malakanyang na aksyon o tugon ng China sa reklamo ng Pilipinas.
“We can assume na nagtutuloy po ‘yun sa ngayon dahil wala naman na inaannounce na kunwari na pinu-pullback na nila o may ginawa silang hakbang para aksyunan yung complaint natin. Parang iimbestigahan pa lang o tatanggapin lang ang report natin.” Pahayag ni Batongabacal.
Sinabi ni Batongbacal, sakaling hindi pa rin kumilos ang china, kinakailangan nang magpadala ng sariling coast guard o iba pang law enforcement ang Pilipinas para magbantay sa West Philippine Sea.
“Ang problema nga sila nga ang nandoon tapos wala silang ginagawa so tayo mapipilitan tayo umaksyon para maproteksyunan ang ating interes kung hindi nila tutugunan ang ating sinasabi. Kung magiging confrontational yan sila ‘yun, problema nila ‘yun eh tayo yung nag-raise ng issue tapos sila yung walang ginagawa ano ang ineexpect nila.” Ani Batongbacal.