Umapela ang NWRB o National Water Resources Board sa publiko na iwasan ang paggamit sa mga water pump at pagpapalagay ng deep well sa kanilang kabahayan.
Ito’y sa harap na rin ng paunti-unting pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na siyang dahilan para sa ilan na magpakabit ng water pump sa Metro Manila at deep well sa mga lalawigan para mapanatili ang kanilang suplay ng tubig.
Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David, maaari lamang gamitin ang mga water pump at deep well ng mga lehitimong water distributor tulad ng MWSS upang mahatiran ng suplay ang mga kabahayan.
Maaari rin namang magpalagay nito ang mga may-ari ng kabahayan pansamantala subalit kailangan din nila ito aniyang alisin sa sandaling magbalik na sa normal ang suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan nito.