Walang maasahang umento sa sahod ang manggagawa sa Metro Manila kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day bukas, Mayo 1.
Ayon ito mismo sa Department of Labor and Employment (DOLE) dahil na rin sa kakulangan ng panahon batay na rin sa kanilang timeframe.
Sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad, imposible nang magpatupad ng dagdag-sahod ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) lalo’t kahapon lamang sila nagpatawag ng pulong para matalakay ang hirit na dagdag-sahod.
Dagdag ni Lagunzad, hindi rin sakop ng hurisdiksyon ng RTWPB ang magpasiya sa petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa across the board wage hike sa mga manggagawa sa NCR.
Una rito, tiniyak naman ng DOLE na kanilang aaksyunan at pag-aaralan ang hirit ng TUCP na itaas sa P710.00 ang minimum na pasahod ng mga manggagawa.
Tamang pasahod para sa Labor Day, hiniling ng CBCP
‘Tamang pasahod sa bawat manggagawa sa bansa.’
Ito ang panalangin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa bukas, Mayo 1.
Ayon kay CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, hangad niya ang mabigyan ng wastong pasahod ang mga manggagawa bilang bunga ng kanilang mga pinaghirapan at pagpapahalaga sa pagkatao.
Kasabay nito, tiniyak ni Valles na kinikilala ng Simbahang Katolika ang mga naging ambag ng mga manggagawa sa pag-unlad ng lipunan, komunidad at ekonomiya ng bansa.
Patuloy din aniyang idinadalangin ng simbahan na maunawaan ng mga manggagawa na ang kanilang araw-araw na trabaho ay biyaya at bahagi ng magandang likha ng panginoon.