Ipinatitigil sa Korte Suprema ng Ako Bicol Partylist ang pagpapatupad sa panukala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagbabawal sa mga provincial buses na dumaan sa kahabaan ng EDSA.
Kasunod ito ng paghahain ng petisyon nina Ako Bicol Partylist representatives Ronald Ang at Alfredo Garbin Jr. na kumukuwestiyon sa legalidad nng Regulation No. 19-002 ng MMDA o Provincial Bus Ban.
Iginiit ng partylist group na walang kapangyarihan ang MMDA at Metro Manila Council para kanselahin ang business permit ng mga provincial bus terminals at operator.
Dagdag ng grupo, nagkaroon ng paglabag sa due process ang MMDA dahil sa pagpapatupad ng panukalang hindi naman dumaan sa public consultation.
Bukod dito, wala rin anilang batayan ang sinasabi ng MMDA na magiging magandang resulta sa daloy ng trapiko sa EDSA ang pag-ban sa mga provincial bus terminal gayong sa datos noong 2017 pinakamarami ang bumibiyaheng pribadong sasakyan.