Itinanggi ng PHIVOLCS na nagbuga ng usok ang Mount Pinatubo kasunod ng 6.1 magnitude ng lindol sa Luzon noong nakaraang linggo.
Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, nagkaroon ng landslide noong lindol at maraming bato ang gumulong kayat napagpag nito ang mga lumang volcanic ash sa Mount Pinatubo.
Sinabi ni Solidum na walang anumang senyales ng aktibidad ang Mount Pinatubo at posibleng abutin pa ng daang taon bago ito makaipon uli ng magma na mayaman sa gas.
Sa ngayon, sinabi ni Solidum na nagtatayo sila ng sampung (10) quake monitoring stations kada taon bilang bahagi ng paghahanda.
Magnitude 8 na lindol, posibleng maranasan
May posibilidad na maranasan ang magnitude 8 na lindol matapos ang magnitude 5.5 na lindol sa General Luna, Surigao Del Norte.
Ibinabala ito ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na nagsabi pang ang naturang malakas na lindol ay u-ubrang maramdaman sa maliliit na pagyanig o puwedeng dumiretso sa malalaki.
Pagdating aniya sa mga trenches, ang segment offshore ng Surigao provinces ay may kakayahang magdulot ng magnitude 8 na lindol.
Ayon pa kay Solidum, posible rin namang mangyari ang maliliit na paglindol o moderate size earthquake.
Binigyang-diin muli ni Solidum na walang makapagsasabi kung kailan mangyayari ang malakas na lindol subalit pwede naman nilang ma-tantya ang magnitude ng bawat fault na puwedeng ipakilos ng lindol.
Sa panulat ni: Judith Estrada-Larino