Hinimok ng Pilipinas ang China na paalisin ang mga umano’y daan-daan nilang fishing vessel malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kanyang nakausap si Chinese Ambassador Zhao Jianhua kaugnay ng mahigit dalawangdaan at pitumpung (270) mga barko ng China na namataan sa lugar simula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Aniya, hiniling niya sa Chinese official na paalisin ang kanilang mga barko sa paligid ng Pagasa Island sa West Philippine Sea.
Gayunman, ipinaliwanag umano sa kanya ni Zhao na kaya naroroon ang mga Chinese vessels ay para mangisda at aalis na rin kapag natapos na ang fishing season.
Dagdag ni Lorenzana, binanggit niya rin kay Zhao na pinaghihinalaan ng pamahalaan na mga Chinese Militias ang mga nasabing barko na mariin naman umanong itinanggi ng Chinese ambassador.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na ulat si Lorenzana kung umalis na sa paligid ng Pag-asa Island ang mga barko ng China.