Iginiit ng Department of Health (DOH) na walang direktang kaugnayan sa kontrobersiya sa Dengvaxia ang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa ngayong 2019.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may mga panahon talaga kung kailan dumarami ang kaso ng dengue lalo’t wala pa aniyang natutuklasang lunas dito.
Karaniwan aniyang naitatala ang pinakamataas na bilang ng nagkakasakit ng dengue kada tatlo (3) hanggang limang (5) taon kung saan umaabot ito sa halos 200,000 kaso.
Sinabi ni Duque, pinakahuling nangyari ito noong 2016 na siyang nakikita niyang dahilan kung bakit sinulong ang pagpapatupad ng vaccination program kontra dengue noong panahong iyon.
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, aabot na sa mahigit 64,000 ang naitatalang kaso ng dengue sa bansa simula noong Enero 1 hanggang Abril 13 habang pumalo naman sa halos 200 ang mga namatay.