Umaasa ang Palasyo na titigil na ang mga kritiko ng administrasyon sa paggawa nito ng black propaganda o destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas mabuti kung itigil na ang mga paninirang ibinabato sa pangulo lalo ngayong nahubaran na ng maskara ang mga nasa likod ng naudlot na destabilization plot.
Giit pa ni Panelo, hindi dapat pagdudahan ang kanilang mga inilabas na impormasyon dahil ito ay balido at nakuha mismo ni Pangulong Duterte.
Hindi naman binanggit pa ng tagapagsalita kung ang nasabing mga impormasyon ay galing sa lokal o dayuhang bansa.
(with report from Jopel Pelenio)
Kaligtasan ni Pangulong Duterte nakasalalay sa PSG
Ipina-uubaya na lamang ng Malakanyang sa kamay ng Presidential Security Group o PSG ang kaligtasan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa umano’y assassination plot sa punong ehekutibo.
Tiwala si Presidential Spokesman Sec. Salvador Panelo na ginagawa ng PSG ang trabaho nitong mabigyan ng sapat na seguridad ang presidente.
Dagdag pa ni Panelo, simula nang maupo si Pangulong Duterte ay naging kaakibat na nito ang mga pagbabanta sa buhay ngunit hindi ito inaalintana ng pangulo dahil trabaho lang aniya ang nasa isip nito.
Ang naging pahayag ng Palasyo ay kasunod ng ibinunyag ni Dakilang Lahi Foundation President Anthony Castelo na in ‘full swing’ ang ouster-plot pati na ang assassination plot laban kay Pangulong Duterte ng mga kalaban nito.