Tinawanan lamang kasabay ang pagtanggi ni dating Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa pagkakasangkot sa ouster plot matrix na inilabas ng Malakanyang.
Sinabi ni Lacierda na hindi maaaring maging ebidensya ang tinagurian niyang grade school matrix na aniya’y bagong technology na nadiskubre ng Malakanyang.
Ipinabatid ni Lacierda na maaaring napasama sa matrix ang kaniyang pangalan dahil “active liker” siya ng mga pinopost ni Magdalo Party list Representative Gary Alejano sa Facebook.
Samantala, hinamon ni Vera Files President Ellen Tordesillas si Presidential Spokesman Salvador Panelo na maglabas ng ebidensya sa pagdadawit sa kaniya sa nasabing ouster plot.
Sa kaniyang Facebook post, mahigpit na itinanggi ni Tordesillas ang pag uugnay sa kaniya ni Panelo sa aniya’y imagined destabilization efforts laban sa pamahalaan.
Kapwa ipinagkibit balikat lamang nina TV host Gretchen Ho at Olympian weightlifter Hidilyn Diaz ang umano’y pagkakasama nila sa ouster plot matrix laban sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Itinanggi ni Ho sa pamamagitan ng kaniyang social media page ang pagkakasama sa matrix kasabay ang tila pagkalit dahil naimbitahan pa siya sa isang dinner event kasama ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Ho na hindi niya kilala si Bikoy o nanuod ng mga video nito at wala rin siyang idea kung sino naman si Rodel Jayme.
Samantala, shocked naman si Diaz nang marinig ang report sa pagkakasama niya sa matrix na aniya’y wala siyang kinalaman dahil marami pa siyang pangarap sa buhay na gusto niyang matupad.