Tila napikon si PNP Chief Police General Oscar Albayalde nang tanungin kung hindi ba maituturing na pulitika ang pagprisinta nila kay Peter Advincula alias ‘Bikoy’.
Binigyang diin ni Albayalde na bahagi ng demokrasya na mabigyan ng pagkakataon si alias ‘Bikoy’ para ilahad ang para sa kanya ay katotohanan hinggil sa “Ang Narco list Videos”.
Hindi anya ito nangangahulugan na pinaniniwalaan ng PNP ang lahat ng inilahad ni Bikoy.
Una rito, itinuro ni Bikoy ang oposisyon sa pangunguna ni Senador Antonio Trillanes na nasa likod ng “Ang Narco List Videos” at “Project Sodomo” na naglalayong pabagsakin ang Duterte administration.
Matatandaan na inakusahan noon ni Solicitor General Jose Calida ang Integrated Bar of the Philippines ng pakikilahok sa pulitika makaraang payagan nila sa kanilang tanggapan magsagawa ng press conference si alias ‘Bikoy’ noong una itong lumutang.
“What is political on this?! Tell me! Ang nagsalita dun, hindi kami. We are a police officer! He’s asking for a custody! Nag surrender po siya sa amin! This is not a political exercise! This is part of freedom of speech of anybody! Bakit?! Pinipili na natin dapat kung kanino magsalita at kung kanino lang dapat magsalita?! We are a police force! We protect and serve everybody! That is the truth according to him! Not according to me! Hindi galing sakin yun, sa kanya galing yun! I’m not saying that what he all says here is the gospel truth!”