Bukas si Senador Panfilo Lacson na magsagawa ng pagdinig sa senado kaugnay sa mga bagong alegasyon ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’.
Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order, posibleng magpatawag sila ng imbestigasyon kung handa si Bikoy na magpakita ng mga ebidensiya para sa kanyang mga bagong pagbubunyag.
Sa bagong pagbubunyag ni alyas ‘Bikoy’, nasa likod ng kontrobersiyal na “Ang Tunay Na Narcolist” videos at planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte ang oposisyon kabilang si Vice President Leni Robredo, Senador Sonny Trillanes at iba pa.
Una nang plano ng komite ni Lacson na magsagawa ng imbestigasyon sa mga unang pagbubunyag ni alyas Bikoy ngunit hindi niya ito ipinatuloy matapos na ibulgar ni Senate President Tito Sotto na lumapit sa kanya si alyas ‘Bikoy’ na iniuugnay naman si dating pangulong Noynoy Aquino at iba pa sa drug trade.