Posibleng tapatan o lampasan ng bubuuing kowalisyon para sa kandidatura ni Senador Grace Poe sa 2016 Presidential election ang dami ng miyembro at lawak ng impluwensya ng Liberal Party (LP) coalition.
Ito’y bunsod ng inaasahang pakikipag-alyansa ng Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, National Unity Party at Makabayan Bloc at ilang Partylist group tulad ng An Waray at Ako Bicol sa susunod na buwan.
Ayon kay NPC President at House Deputy Speaker Giorgidi Aggabao, magkakaroon ng pormal na koalisyon ang apat na partido sa panahon ng filing ng certificate of candidacy sa Oktubre.
Napag-usapan na aniya nila ang pagbuo ng koalisyon noong Martes ng gabi sa Edsa Shangri-la Hotel, Mandaluyong City o isang araw bago magdeklara ng kandidatura si Poe sa UP Diliman, Quezon City.
Present sa naturang pulong sina Deputy Speaker Roberto Puno, Makabayan Bloc chairman Satur Ocampo, NUP Chairman at Bataan Governor Albert Garcia, dating Camarines Sur Governor L-Ray Villafuerte ng Nacionalista at Bataan Representative Mark Leandro Mendoza ng NPC.
By Drew Nacino