Magpapakalat ng aabot sa 120,000 mga pulis ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa kasabay ng pag-arangkada ng Oplan Balik Eskuwela at pagsisimula ng klase sa Hunyo 3.
Ayon kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, itatalaga ang mga naturang pulis sa paligid ng mga paaralan kung saan maglalagay sila ng mga help desks.
Layunin nitong matiyak ang seguridad at kaayusan sa mga paaralan gayundin ang matugunan ang mga sumbong, reklamo at iba pang hinaing na ilalapit ng mga magulang.
Maliban dito, kanila ring babantayan ang mga paaralan laban sa mga kriminal tulad ng mga magnanakaw at illegal drug traffickers, mga gang, bandido at terorista.