Nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Sagip Saka Act na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda.
Nakasaad sa Republic Act 11321 o Sagip Saka Act ang pagbuo ng gobyerno ng farmer at fisher folk enterprise program kung saan magbibigay ang pamahalaan ng modernong teknolohiya sa pagsasaka at pangingisda maging sa pag-nenegosyo.
Popondohan din ng gobyerno ang pagsasaka at pangingisda sa pamamagitan ng pagkakaruon ng access sa financing, credit grants at crop insurance.
Bukod sa mga magsasaka at mangingisda, magiging beneficiary rin ng nasabing programa ang producer groups at piling small and medium enterprises.
Magsisilbi namang kinatawan sa bubuuing Farmers and Fisher Folk Enterprise Development Council ang DA, DTI, DILG at DOF.
Samantala, nilagdaan din ng pangulo ang Republic Act 11291 o Magna Carta of the Poor na magbibigay ng full access sa mahihirap sa mga serbisyo ng gobyerno tulad ng pagkain, trabaho, edukasyon, pabahay at health care.
Layon din ng nasabing batas na bumuo ng isang national poverty reduction plan para i-angat ang pamumuhay ng mga Pilipino.