Hindi bibitiwan ng grupong Tanggol Wika ang usapin sa pagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga core subjects sa kolehiyo.
Ito ay matapos na katigan ng Korte Suprema ang Memorandum Order No. 20 ng Commission on Higher Education (CHED) na nag-aalis sa mga nabanggit na asignatura.
Ayon kay Tanggol Wika Spokesperson Jonatahn Geronimo, nakatakda silang maghain ng ikalawang motion for reconsideration para mapigilan ang CHED at Korte Suprema na tuluyang patayin ang wikang Filipino.
Iginiit pa ni Geronimo, bagama’t ipinauubaya ng CHED sa mga kolehiyo at unibersidad ang pagpapatupad ng kautusan, malabo pa ring panatalihin ng mga ito ang nabanggit na asignatura.
“Sinasabi nila may academic freedom ang mga institution pero hindi nila maintindihan na limitado yan sa realidad. Sa katunayan bago pa man maging pinal yung desisyon nila, nagtanggal na yung mga maraming unibersidad at kolehiyo ng mga Filipino at Panitikan sa kanilang mga subjects. Ano ang punto ko doon? Ang punto ko, dapat alam din ng Korte Suprema yung mahabang colonial na karanasan ng Pilipinas. Alam naman natin marami sa mga unibersidad ang default language niya ay Ingles kaya mahalaga pa rin ituro ang Filipino kasi marami pa rin utak colonial na mga Pilipino kasama nadiyan ang Korte Suprema, CHED at iba pang mga ahensya ng gobyerno.” Pahayag ni Geronimo.