Aprubado na sa Bicameral conference committee ang panukalang batas na nag-aatas na maibigay sa mga manggagawa ng restaurants, hotels at iba pang establisyemento ang lahat ng nakokolektang service charge.
Ayon kay Senate Committee on Labor and Employment Chairman Joel Villanueva, nasunod ang bersyon ng senado kung saan nakasaad na mapupunta ang 100% ng mga makokolektang service charge sa mga empleyado ng mga hotel at restaurant.
Habang sa bersyon ng kamara ay 90% lamang ang mapupunta sa mga empleyado at 10% sa management.
Tiwala naman si Villanueva na matitigil na ang mga reklamo ng mga empleyado ng hotel at restaurants sa pagkakapasa ng nasabing batas.
Kanila naman aniyang susubukan na maisalang na sa sesyon ang ratification ng Bicam report sa panukalang batas na maibigay sa mga empleyado ang lahat ng makokolektang service charge.
with report from Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)