Iniimbestigahan na ng Philippine Coastguard at BFAR ang dalawang Vietnamese fishing vessels na umano’y pumasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sinabi ni Coastguard Commander Alejandro Arica, kapitan ng MCS 3010 na nakahuli sa mga fishing vessel, dinala na ang mga fishing boats at crew sa Sta. Ana, Cagayan para i turn over sa Bureau of Fisheries sa Region 2.
Batay sa report na tinanggap ng coastguard command center sa Maynila, nagsasagawa ng patrol operations ang MCS 3010 malapit sa isla ng Calayan sa Cagayan ala 1:30 ng Sabado nang mamataan ang Vietnamese fishing boat.
Sinubukan itong lapitan ng coastguard subalit bigla itong nagbukas ng makina at mabilis na tumakas kaya’t kaagad silang nagsagawa ng hot pursuit operations.
Dalawang beses binangga ng nasabing fishing boat na may body number BO 96281 ang MCS 3010 hanggang ito ay maabutan at masakote kung saan hinuli kaagad ang kapitan at apat na tripulante nito.
Dahil sa pagbangga, nagtamo ng butas at yupo ang MCS 3010.
Isa pang Vietnamese fishing boat na may body number BO 95115 na nagtangka ding tumakas ang namataan bandang alas 3:00 ng umaga ng Sabado at timbog sa hot pursuit operations ng mga otoridad ang limang tripulante nito.
(With report from Aya Yupangco)