Pinagpapaliwanag ng COMELEC ang grupong silent majority sa isyu ng mga aberya sa nakalipas na midterm elections.
Sa isinumite nilang manifestation and petition, iginiit ng silent majority ang pagka bigo ng COMELEC na makamit ang malinis at halalang may kredibilidad.
Sa katunayan, sinabi ni Jocelyn Marie Acosta, pangulo ng grupo, nakita nila ang samut saring kontrobersyang naganap sa eleksyon mula pa lamang sa panahon ng kampanya hanggang sa paglalabas ng resulta ng bilangan gayundin ang pagpili sa dominant minority at majority party.
Tinukoy din ng grupo ang mga pumalpak na SD cards, depektibong vote counting machines at ang kinu kuwestyong pitong oras na pagka antala ng transparency server.
Dahil dito, naglatag ng mga kahilingan ang Silent Majority at kabilang dito ang: Maglabas ng kabuuang detalye ng lokasyon o lugar ang COMELEC kung saan naranasan ang mga depektibong VCM at SD cards, maglabas ng lokasyon ng mga presintong nakitaan ng over votes, magsagawa ng manual audit sa mga presintong apektado ng mga pumalyang VCM at SD cards.
Bukod pa ito sa paglalabas ng audit system logs, pagbuo ng isang independent body na magsasagawa ng imbestigasyon sa lahat ng mga iregularidad sa halalan at pagpapanagot sa lahat ng mga nakibahagi sa mga paglabag sa eleksyon.