Itinanggi ng PRRC o Pasig River Rehabilitation Commission ang mga report na halos 108 million pesos ang kanilang ginastos para sa rehabilitasyon ng waterways.
Sa katunayan, ipinabatid ni PRRC Executive Director Jose Antonio Goitia na halos 30 million pesos pa lamang ang nagagastos nila sa rehabilitasyon ng San Juan River at limang estero sa Maynila.
Binigyang diin ni Goitia na mahigpit ang PRRC sa pag monitor ng proyekto at ano mang pagkabinbin nito na wala aniya sa kontrol ng komisyon.
Isa aniya sa nagiging dahilan ng pagkabalam ng proyekto ay ang resettlement sa mga pamilyang nanirahan sa palibot ng mga estero.
Sinabi ni Goitia na nakikipag ugnayan na ang PRRC sa National Housing Authority para mabigyan ng relocation houses ang mga pamilyang ayaw umalis sa Estero De Magdalena hanggat walang tiyak na malilipatan.
Mayroon din aniyang ilang opisyal ng barangay na tinatakot pa ang field engineers ng PRRC at pinahihinto ang kanilang rehabilitasyon sa Estero Dela Reina at Estero De Pandacan.