Humarap na ang Metropolitan Mannila Development Authority (MMDA) sa mga stakeholders sa plano nilang provincial bus ban sa EDSA.
Ayon kay MMDA spokesperson Celine Pialago, kabilang sa mga rekomendasyon ng stakeholders ang kunsiderasyon sa dagdag na oras ng biyahe para sa mga commuters at dagdag pamasahe.
Sinabi ni Pialago na ipararating nila agad sa Land Transporation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transporation Office (LTO) ang concerns ng stakeholders.
Kabilang pa anya sa mga suhestyon na kanilang nakuha ang pagkakaroon ng agarang transportasyon para sa mga senior citizens at PWD, magkaroon ng mid bus stops sa halip na P2P, bigyan ng prayoridad ang mga sasakyang mas marami ang naisasakay tulad ng U.V. express kumpara sa mga TNVS at iba pa.
Ngayong Hunyo sana planong ipatupad ng MMDA ang provincial bus ban sa EDSA subalit ipinagpaliban ito.
Una rito, ilang grupo na ang naghain ng petisyon sa korte suprema laban sa provincial bus ban.