Natagpuan na ng mga otoridad sa Cyprus ang bangkay ng pinaniniwalaang ika-anim na biktima ng hinihinalang serial killer sa nasabing bansa.
Batay sa ulat, narekober ang naaagnas nang bangkay ng babaeng biktima na nakasilid sa isang maleta sa malalim na bahagi ng ilog sa Cyprus.
Pinaniniwalaan namang bangkay ito ng nawawalang Filipina na si Maricar Valdez.
Patuloy naman ang isinasagawang search and retrieval operations ng Cyprus police sa bangkay ng isang anim (6) na taong gulang na batang Filipina na anak ng isa pang biktima na una nang natagpuan.
Magugunitang, inamin ng naarestong Cyprus army officer ang pagpatay sa limang dayuhang babae at dalawang batang babae na kinabibilangan ng ilang mga Filipina.
Una nang narekober ng mga otoridad ang limang (5) bangkay ng mga biktima.