Magpapalabas ng listahan ng mga brand ng suka na natural o walang synthetic acetic acid ang Food and Drug Administration (FDA) sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary at FDA officer-in-charge Eric Domingo kasunod ng paglalathala nila ng listahan ng mga tatak ng sukang may synthetic acetic acid.
Tiniyak pa ni Domingo na magbibigay din sila ng update kada linggo ng iba pang brand ng mga sukang magpopositibo sa test na ginamitan ng mga synthetic acetic acid o itinuturing nilang substandard.
Aniya, idadagdag nila ang mga matutuklasang substandard na suka sa unang ipinalabas nilang listahan na kinabibilangan ng Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style, Tentay Premium Vinegar at Tentay Sukang Tunay Asim at Chef’s Flavor Vinegar.
Samantala, agad namang ipinag-utos ng Rustan’s, manufacturer at distributer ng Sure Buy Vinegar ang pag-pull out sa merkado ng nasabing suka matapos itong mapasama sa listahan ng FDA.
Hihingi naman ng paglilinaw ang Tentay Food Sauces ng paglilinaw mula sa FDA habang wala pang ipinalalabas na pahayag ang manufacturer’s ng Chef’s Flavor Vinegar.