Nabigong makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema ang mga mambabatas na humihiling sa pagpapaliban ng pagpapatupad ng provincial bus ban ng MMDA sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa source mula sa Korte Suprema, hindi naglabas ng TRO ang mga mahistrado dahil wala umano silang nakikitang rason para madaliin ang pagtalakay sa usapin.
Kasunod nito muling itinakda ng Korte Suprema sa Hunyo 25 ang deliberasyon sa inihaing petisyon nina Ako Bicol partylist representatives Ronald Ang at Alfredo Garbin gayundin ni Albay representative Joey Salceda.
Samantala, sinabi naman ni EDSA traffic czar Bong Nebrija na kanila munang hihintayin ang ipalalabas na guidelines ng LTFRB bago tuluyang ipatupad ang provincial bus ban.
Una na ring nakaharap ng MMDA ang mga stakeholders sa nasabing plano kung saan kabilang sa mga inirekomenda nito ang kunsiderasyon sa dagdag na oras sa biyahe at pamasahe ng mga mananakay.