Itinanggi ng kumpanyang Tentay Food Sauces Incorporated na gumagamit sila ng synthetic acetic acid sa paggawa ng suka.
Ito ay sa harap ng pagkakasama ng kanilang tatlong produkto sa tinukoy ng Food and Drug Administration (FDA) na gumagamit ng mga artipisyal na pampaasim.
Ayon kay Tentay Food Sauces Incorporated President at CEO Velia Cruz, gawa ang kanilang suka sa pinaghalong purong suka, tubig at cloudifying agent.
Giit nito, hindi lulusot ang kanilang mga produkto sa Estados Unidos, Canada, Australia, Taiwan at iba pa kung substandard ang kanilang suka.
Sa kabila nito, sinabi ni Cruz na kanila nang tinaggal muna pansamantala sa merkado ang kanilang mga produktong suka kasabay ng pagkakasa ng imbestigasyon.
Samantala, kinuwestyon din ni Cruz ang magkasalungat na pahayag ng Food and Drug Administration at Philippine Nuclear Research Institute kung saan para sa PNRI ay masama sa kalusugan ng paggamit ng synthetic acetic acid bagay na hindi naman para sa FDA.