Naloko ng isang scam artist na nagpanggap bilang si Baguio City Mayor-elect Benjamin Magalong ang ilang restaurant sa lungsod.
Ayon kay Karla Santos, may-ari ng Manpiyaan Café sa Baguio City, nakatanggap sila ng tawag na umoorder ng pagkain para sa sinabing thanks giving party ni Magalong.
Bukod aniya sa mga pagkain at mamahaling alcoholic drinks, nagdemand din umano ito ng prepaid load na nagkakahalaga ng P10,000 piso.
Gayunman, wala umanong pumick-up sa inorder na pagkain at hindi na rin matawagan ang numero ng lalaking nagpanggap bilang si Magalong.
Kasunod nito, ipinag-utos na ni Magalong sa pulisya ang pag-iimbestiga sa insidente lalo’t nasa anim (6) na restaurant na umano ang nag-reklamong naloko sila.
Naniniwala rin si Magalong na ginagamit ang insidente para siraan lamang ang kanyang pangalan.