Ibinasura ng Department of Foreign Affairs o DFA ang panawagan ng independent united nations experts na makapagsagawa ng international inquiry hinggil sa umano’y estado ng human rights sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte Administration.
Ayon sa DFA, maituturing na act of “bad faith” ang hakbang na ito ng U.N experts dahil malinaw na panghihimasok ito sa usaping panloob ng bansa.
Sa kalatas na ipinalabas ng ahensya, sinabi nitong, ipinapakita lamang ng aksyon na ito ng U.N na hindi nila nais na magkaroon ng tunay dayalogo.
Malinaw umano na bias at politically motivated ang pagkilos na ito ng naturang partido dahil sinisira na nito ang kridibilidad at pagiging patas ng human rights mechanisms bilang constructive platforms para sa isang dayalogo sa pagitan ng U.N at ng mga miyemrbo nitong estado.
Una nang tinawag ng Malacañan na “intellectually challenged” at kalapastanganan sa Philippine policies ang mga ginagawang ito ng naturang grupo.
Giit ng DFA, isang demokratikong bansa ang Pilipinas na may matatag na institusyon at may gobyernong hindi matitinag ang determinasyon na isulong at protektahan ang karapatang pantao ng bawat Pilipino.
Dagdag pa ng ahensya, hindi nila maaring pahintulutan ang hirit ng U.N dahil malinaw naman na one-sided at kwestyunable ang mga source ng kanilang mga impormasyon.