Kinasuhan na ang Kuwaiti police na sinasabing dumukot at nanghalay sa isang Pilipina household worker sa nasabing bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola, ipinagharap na sa kasong rape ang suspek na si Fayed Naser Hamad Alajmy.
Batay na rin aniya ito sa ibinigay na impormasyon ni Kuwaiti Ambassador to the Philippines Musaed Saleh Ahmad Althwaik sa kanilang naging pulong kahapon.
Kasabay nito, tiniyak din ng pamahalaan ng Kuwait na ginagawa nila ang lahat para sa mabilis na pagkakadakip sa suspek kasunod na rin ng ipinalabas na warrant of arrest laban dito.
Sa kasalukuyan, nagsimula nang magtrabaho sa kanyang employer ang biktimang Pinay kasama ang tatlo pang kapwa Filipina household workers kung isa sa mga ito ay kanyang kamag-anak.