Aabot pa sa 1,000 mga pulis ang patuloy pa ring binabantayan ngayon ng Philippine National Police dahil sa kanilang iligal na gawain.
Iyan ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde makaraang ilunsad ng pambansang pulisya ang IMEG o Integrated Monitoring Enforcement Group na kapalit ng CITF o Counter Intelligence Task Force.
Ayon kay Albayalde, asahan nang mas lalo pa nilang paiigtingin ang ginagawang internal cleansing sa hanay ng pulisya upang matiyak na magiging maayos ang kanilang kampaniya kontra krimen at iligal na droga.
Dagdag pa ng PNP Chief, mayroong 400 pulis na ang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot batay sa kanilang datos, kayat naniniwala siyang malaki ang maitutulong ng IMEG para masala ito.
Kasunod nito, sinabi ni Albayalde na dahil sa bagong national support unit ng PNP, kakailanganin nila ang karagdagang kagamitan at mga tauhan mula sa SAF o Special Action Force upang maging matagumpay ang kanilang layuning linisin ang hanay ng pulisya mula sa mga tiwali at abusadong mga pulis.