Emosyunal na umaapela ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang may-ari at kapitan ng lumubog na F/B Gemvir 1 na sinasabing binagga ng higanteng barko ng Tsina.
Ayon kay Felix Dela Torre, tila napakaliit na ng tingin ng mga Tsino sa ating mga kababayan na kung ituring ay isa nang alipin at walang karapatang mangisda sa sarili nitong karagatan.
Kinontra rin ni Dela Torre ang pahayag ng China na sinubukan umano nilang kuyugin ang barko nila dahil sa pangyayari kaya agad iyong umalis at iniwan silang palutang-lutang sa dagat.
Samantala, igagalang naman ni Foreign Affairs Sec. Teddy Boy Locsin Jr ang pahayag na iyon ng Chinese Embassy na tila naninisi pa sa mga Pilipino na siyang umatake umano sa kanilang barko.
Pero nanindigan ang kalihim na bagama’t malaya ang sinumang maghayag ng kanilang saloobin, susundin pa rin aniya ng Pilipinas ang Law of the Sea at gagawin ang anumang hakbang alinsunod dito.