Tinuldukan na ng Pangulong Noynoy Aquino ang mga agam-agam ukol sa lumabas na “alternative version” sa Mamasapano incident na nagsasabing ang aide umano ni Zulkifli Bin Hir alyas Marwan ang nakapatay sa naturang international terrorist.
Ayon sa Pangulo, walang basehan ang naturang alternative version dahil malinaw aniya sa mga ebidensya na ang Special Action Force (SAF) ang nakapatay kay Marwan at pumutol sa isang daliri nito.
“Maliwanag sa presentasyon natin ngayon, SAF ang nandoon, imposibleng pagdudahan pa na SAF ang kumuha ng daliri ni Marwan. Ibig sabihin lahat ng iba pang sanaysay ukol sa sinasabing alternatibong naratibo ay wala nang basehan at wala na ring saysay,” paliwanag ng Pangulo.
Naniniwala ang Pangulo na may nais lamang manggulo at makinabang sa patong sa ulo ng teroristang si Marwan.
“Di po nakakapagtakang marami ang nag-aasam na makakuha ng pabuya at nagtangkang guluhin ang usapin, dahil nga po sa imbestigasyon na ito, nabigyan ito ng kaukulang paglilinaw.”
By Ralph Obina | Aileen Taliping (Patrol 23)