Nagpahayag ng kahandaan ang Kapa Community Ministry International Inc. na humarap sa anomang imbestigasyon.
Ayon kay Danny Mangahas, convenor at tagapasalita ng Kapa, walang tinatago ang kanilang founder na si Pastor Joel Apolinario dahil ibinabalik lamang aniya nito sa kaniyang mga miyembro ang kinikita sa kaniyang mga negosyo.
Kasabay nito, nanawagan si Mangahas kay Pangulong Rodrigo Duterte na pahintulutan silang magbalik sa operasyon.
Giit pa ni Mangahas, naniniwala silang hindi ang away sa relihiyon ang ugat ng isyu sa Kapa.
Magkaiba ang pamumuhanan sa donasyon — DOJ
Iginiit ng Department of Justice o DOJ na magkaiba ang pamumuhunan sa donasyon.
Ito’y matapos sabihin ni Danny Mangahas, convenor ng Kapa na donasyon ang ibinibigay ng mga miyembro at kusang loob ito.
Ipinaliwanag din ni DOJ Undersecretary Mark Parete, tagapagsalit ng DOJ na batid ng Korte Suprema na bawal na pakialaman ng estado ang anomang relihiyon.
Gayunman nilinaw ni Parete na magiging iba ang usapan kapag nalalagay na sa alanganin ang kapakanan ng mga miyembro.